Friday, July 06, 2012

Para sa iyo


Hindi mo ako kilala at kung sakali mang magkakilala tayo balang araw ay malamang hindi rin tayo magiging magkaibigan.  Ngunit netong mga huling linggo ay naging tagamasid ako sa buhay mo, sa hinagpis at daing mo.  Kahit hindi man makarating sa yo ang sulat kong ito ay gusto ko lang ibahagi eto sa uniberso sa baka sakaling ika’s kanyang mabulungan ng konti sa aking dasal para sa iyo.

Bagamat hindi ako mayaman sa experiensya sa buhay na pwede ko sanang paghugutan ng payo, hayaan mong ikwento ko nalang ang nangyari sa isang napaka importanteng babae sa buhay ko.

Tulad mo, naging mabuti syang asawa at ina sa kanilang walong anak .  Buong bente kwatro oras sa araw-araw nya ay dinedika nya sa kanyang pamilya.  Lubos na nagmahal, labis na nagsilbi, at higit sa lahat, walang inasahang kapalit kahit isang halik man o kusing.

Isang araw ay nalaman nya na may ibang babae na pala ang kanyang asawa at hindi nagtagal, ay iniwan nya eto kasama ng kanyang mga anak.

Alam kong hindi naging madali ang desisyon na yon para sa kanya ngunit ginawa nya yon ng walang hesitasyon.  Ang sabi nya ay miski mahal na mahal nya ang asawa nya at kahit gaano kaimportante sa kanya na sana’y manatiling buo ang kanyang pamilya, ay hindi nya hahayaang maliitin at bastusin ng isang tao ang buong puso at buong kaluluwa nyang ibinuo. Miski pa kung ang taong eto ay ang pinakamamahal nya sa buong mundo. 

Mahirap gawin ang ginawa nya at, malamang, kung mahanap ko man ang sarili ko sa sitwasyon na yon ay hindi ko rin matutularan.  Pano nya tinalikuran ang buhay na kinagisnan nya ng ganon ganon na lamang?  Bakit hindi niya ipinaglaban ang dapat ay kanya? Siguro kung tatanungin ko sya, eto ang isasagot nya sa akin “hija, sanay akong makipaglaban.  Hindi rin ako takot matalo.  Pero hindi ko kayang tanggapin na kailangan ko pang ipaglaban ang dapat ay akin na.  Na kailangan ko pang magmakaawa para maibigay sa akin ang dapat ay akin talaga.  Mahal ko ang asawa ko, pero mahal ko rin ang sarili ko.”   

Yan ang lola ko.  Isang maganda at napaka lakas na babae na namuhay mang mag-isa sa kanyang pagtanda, ay namatay na masaya, puno ng pagmamahal at BUO.

Hindi ko alam kung paano masusukat ang kabuuan ng isang tao.  Pero hindi ba dapat na miski man puno tayo ng lamat ay dapat manatili tayong buo.  Dahil kung hindi tayo buo, paano natin rerespetohin ang ating sarili.  At kung wala na tayong respeto sa ating sarili, ano pa ang gagawin natin sa kung anuman ang natira?

At yan nga ang dasal ko para sa yo, na sa hirap at hapdi ng dinadaanan mo ngayon, ay lakasan mo ang loob mo na manatiling buo.  Huwag mo gawing batayan ang kahihiyan mo sa iba, wala sa kanila ang sagot sa problema mo.  Wala sa asawa mo.  At wala ring sa isang pirasong papel.  Nasa mukha na humaharap sa yo sa salamin.   Nasa puso na ipinaglalaban ka sa loob ng pagod na pagod mo nang katawan.     Nasa sa iyo, friend.  Nasa iyo.

Sana ay manatili kang buo.

Mula sa akin. 

No comments: